Nakatakda na ang isasagawang public consultation ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang konsultasyong ito ay magbibigay-pokus sa mahalagang isyu ng surge pricing o ang biglaang pagtaas ng pamasahe na karaniwang nararanasan sa mga Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Nauna nang umapela ang isang advocacy group hinggil sa kanilang obserbasyon ukol sa umano’y labis-labis na paniningil ng ilang TNVS drivers.
Ang ganitong sitwasyon ay nagdudulot ng dagdag na pasanin at pahirap sa mga commuter, lalo na sa mga may limitadong budget.
Kaugnay nito, inimbitahan ng LTFRB ang iba’t ibang kinatawan mula sa TNVS industry upang personal na ihayag ang kanilang mga opinyon, suhestiyon, at maging ang kanilang mga hinaing patungkol sa kasalukuyang umiiral na fare system o sistema ng pamasahe.
Ayon kay Atty. Mendoza, sa pamamagitan ng isasagawang konsultasyong ito, masisiguro ang balanseng pagtrato sa kapakanan ng parehong panig – ang mga pasahero na gumagamit ng TNVS, at ang mga TNVS stakeholders na nagbibigay serbisyo.
Bilang bahagi ng paghahanda, una na ring nagsagawa ng inspeksyon si LTFRB Chair Mendoza II sa mismong Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Layunin ng inspeksyong ito na personal na suriin ang operasyon ng mga bumibyaheng Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa naturang paliparan.
















