Binatikos ni Ret. Gen. Romeo Poquiz ang timing ng plano ng administrasyong Marcos na pagtaas sa sahod ng mga military at uniformed personnel (MUP).
Unang inanunsyo ng Malacañang ngayong linggo ang pagtaas sa base pay ng mga MUP simula sa 2026 kung saan sa susunod na tatlong taon ay tataas ng hanggang 15% ang kanilang sahod.
Sa isang Facebook post, sinabi ng retiradong heneral na kailangan ng mga tropa ng pamahalaan ang pay raise.
Gayunpaman, kung ibibigay ito sa kalagitnaan ng nabunyag na korapsyon sa gobiyerno ay isa umano itong loyalty-buying tactic o tangkang pagbili sa katapatan ng mga miyembro ng unipormadong hanay.
Hayagan ding sinabi ng dating heneral na alam ng mga sundalo ang nangyayari.
Una nang umugong ang isyu ukol sa destabilisasyon laban sa kasalukuyang administrasyon kung saan isa si Gen. Poquiz na umano’y bahagi ng grupong nagtutulak nito, bagay na dati na ring pinabulaanan ng retiradong heneral.
Kung babalikan ay nanindigan din ang Department of National Defense na makatwiran lamang ang pagtaas ng sahod ng mga sundalo at pulis, at hindi ito isang paraan para bilhin ang loyalty ng mga MUP.
Magkakasunod ding nagpasalamat ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging hakbang ng kasalukuyang administrasyon.
















