All set na ang nakatakdang pagtungo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tokyo, Japan.
Ito ay para dumalo sa 25th Nikkei Conference on the Future of Asia sa darating na May 30 hanggang 31.
Ang Nikkei Conference ay isang taunang pulong sa kabisera na Tokyo kung saan nagtitipon-tipon ang iba’t-ibang gobyerno at business leaders para pag-usapan ang magiging direksyon ng Asya.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Sec. Meynardo Montealegre, magbibigay ng keynote address si Pangulong Duterte kaharap ang ibang leaders mula Malaysia, Bangladesh, Cambodia, Laos, Vietnam at Singapore, kasama ang mga ministers mula sa iba pang mga bansa.
Kasunod nito, magkakaroon naman ng bilateral o one-on-one meeting si Pangulong Duterte kay Japanese Prime Minister (PM) Shinzo Abe.
Dito ay matatalakay ang mga mahahalagang usapin gaya ng pagpapadala ng Filipino skilled workers sa Japan, isyu ng defense and security, partikular ang Korean Peninsula at South China Sea.
Ayon kay Montealegre, isusulong ni Pangulong Duterte ang freedom of navigation o kalayaan sa paglalayag sa West Philippine Sea maging ang mapayapang pagresolba ng mga isyu.
Wala namang inaasahaang government to government agreement na lalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Japan pero may mga business deals na malalagdaan.
Posible rin daw isingit ni Pangulong Duterte ang pagharap sa Filipino community.