Humingi nang paumanhin si ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak kay Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa campaign advertisement na hindi nailabas noong 2016 presidential elections.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na nagbayad sila ng P7 million para sa TV ad na iyon ngunit “hinold” lamang hanggang sa natapos ang campaign period.
Gayundin ang airing naman ng network sa TV ads na bumabatikos sa kanya na mula sa oposisyon.
Sinabi ni Katigbak na inaamin nila ang kanilang pagkukulang at gagawin nila ang nararapat para hindi na ito maulit.
“We acknowledge our shortcoming in our failure to release that refund in a timely manner,” ani Katigbak sa public hearing. “We are sorry if we offended the President. That was not the intention of the network. We felt that we were just abiding by regulations that surround the airing of political ads.”
Paliwanag naman ni Katigbak hindi nga nila ma-eere ang ibang Duterte ads dahil daw sa umiiral na policy nila na “first-come, first-served.”
Dahil aniya sa last day na raw ng campaign, May 7, puno na ang slots para sa local ads.
Sa kabilang dako, nilinaw naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa buwan pa ng Mayo magtatapos ang franchise ng ABS-CBN Corporation.
Taliwas ito sa mga unang lumabas na impormasyon sa Marso 30, 2020 na ang expiration ng kanilang prangkisa.
Samantala, inamin naman ng National Telecommunications Commission (NTC) na may mga kompaniya pa ring nakakapag-operate kahit natapos na ang prangkisa.
Para naman kina Sens. Ralph Recto at Manny Pacquiao, dapat pagmultahin na lang ang korporasyon kung talagang may mga paglabag.
Sinabi rin naman ni Sen. Joel Villanueva na nagkaroon din ng violations sa kaniya ang kompaniya ngunit hindi na ito idinetalye pa ng mambabatas.