-- Advertisements --

Limang bansa ang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas kasabay nang pagkondena nila sa pagharang at paggamit ng water canon ng mga barko ng Chinese Coast Guard laban sa resupply boats ng Pilipinas sa Ayungin Shoal kamakailan.

Sa isang tweet, sinabi ni Canadian Ambassador to the Philippines Peter MacArthur na naninindigan ang Canada sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 South China Sea Arbitration decision, na nagpatibay lamang sa claims ng Pilipinas sa ilang bahagi ng South China Sea.

Kamakailan lang, nanawagan din sa China sina Michele Boccoz, ambassador ng French Republic sa Philippines, at German Ambassador to the Philippines Anke Reiffenstuel na iwasan ang pagsasagawa ng anumang hakban na maaring makaapekto sa stability sa Indo-Pacific Region.

Iginiit naman ng Koshikawa Kazuhiko, ambassador ng Japan sa Philippines, na mariing tinututulan nila ang anumang “unilateral attempts” na maaring makapagpabago sa status quo sa East at South China Seas.

Mahalaga aniya na sundin ang UNCLOS at ang 2016 Arbitral Award para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.

Para naman kay Ambassador Seven Robinson ng Australia, patuloy na makikpipagtulungan ang kanilang bansa sa Pilipinas hinggil sa maritime issues at nababahala rin sa mga insidenteng naitatala kamakailan sa South China Sea.

Nauna nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na nagpahayag na ang Pilipinas ng pagkondena at protesta sa China kasunod nang pag-atake sa dalawang supply ships ng Pilipinas noong Nobyembre 16.