-- Advertisements --

Anim pang tripulante ng isang Vietnamese cargo vessel ang nailigtas matapos lumubog ang kanilang barko malapit sa Kagitingan Reef sa West Philippine Sea (WPS).

Patuloy naman ang search and rescue operations para sa mga nawawala pang sakay ng barko.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), umabot na sa anim na karagdagang tripulante ang nailigtas matapos lumubog ang Vietnamese cargo vessel na Khoi Nguyen 18 noong gabi ng Hulyo 25.

May kabuuang 62 crew members ang sakay ng barko nang mangyari ang insidente.

Sa kasalukuyan, 17 katao pa ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Agad namang nagsagawa ng search and rescue operations ang PCG sa utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.

Nagpadala narin ang PCG ng BRP Malapascua at isang aircraft mula sa Palawan upang tumulong sa paghahanap sa mga nawawalang tripulante.

Ayon sa PCG, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Vietnamese Coast Guard upang makakuha ng mahahalagang impormasyon na makatutulong sa rescue operations.

Ginagamit din ng mga awtoridad ang Search and Rescue Optimal Planning System, isang teknolohiya na tumutulong matukoy ang lokasyon ng mga nawawalang tao upang mapabilis ang kanilang paghahanap.

Samantala, iniulat ng Chinese state media na mga rescue team ng China ang nakapagligtas sa ilan sa mga Vietnamese na tripulante malapit sa tinawag nilang Chinese-occupied reef.