-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dalawa hanggang apat na bagyo ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa buwan ng Agosto.

Batay sa inilabas na Climate Outlook ng state weather bureau, tinatayang dalawa hanggang tatlong bagyo ang maaaring maranasan sa Setyembre, isa hanggang dalawa sa Oktubre, Nobyembre at Disyembre, habang wala hanggang isang bagyo naman ang inaasahan sa Enero 2027.

Sinabi rin ng PAGASA na posibleng mabuo ang isang napakalakas na El Niño sa pagitan ng Oktubre 2026 at Enero 2027. Bagama’t maaari nitong mabawasan ang bilang ng mga bagyo, may posibilidad pa ring lumakas ang ilang mabubuong sama ng panahon at maging ganap na super typhoon.

Ayon pa sa weather bureau, inaasahan ang halos normal na dami ng ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Agosto, ngunit posibleng makaranas ng mas maraming ulan ang ilang bahagi ng Western Luzon. Samantala, mas kaunti naman ang inaasahang pag-ulan sa ilang lugar sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring makaranas ng dry spell sa pagtatapos ng Agosto ang ilang lugar sa Eastern Visayas at Mindanao, habang posibleng magkaroon ng drought sa Camarines Norte, Catanduanes, Biliran, Cebu, Negros Oriental, Northern Samar, Samar, at Siquijor.