Inilarawan ng Akbayan Patylist ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang isang “sachet governance”, dahil umano sa patingi-tinging pagtugon sa malalaking suliraning kinakaharap ng bansa.
Sa inilabas na pahayag kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo nitong Lunes, sinabi ng grupo na kulang at hindi sapat ang mga hakbang ng administrasyon upang tugunan ang malalalim na problema ng sambayanang Pilipino.
Ayon sa Akbayan, sa halip na magsagawa ng malawak at matitibay na reporma, patuloy umanong nag-aalok ang pamahalaan ng maliliit, magkakahiwalay, at hindi sapat na solusyon sa mga krisis na nangangailangan ng agarang aksyon.
Iginiit din ng grupo na bagama’t nananawagan ang publiko na mapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian, iilan pa lamang umano ang tunay na napapanagot, habang nananatili ang kultura ng impunity.
Pinuna rin ng Akbayan ang ipinatupad na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR). Anila, malayo ito sa hinihinging P200 legislated national wage hike, dahil P80 lamang ang inaprubahang dagdag, ipatutupad pa sa dalawang yugto at para lamang sa Metro Manila.
Bukod dito, kinuwestiyon din ng grupo ang anila’y mahinang bersyon ng Anti-Political Dynasty Law na naipasa ng Kongreso. Ayon sa Akbayan, hindi sapat ang naturang panukala upang wakasan ang paghahari ng mga political dynasty sa bansa.
Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, sinabi ng Akbayan na hindi “sachet governance” ang kailangan ng Pilipinas kundi isang pamahalaang may matibay na political will na magpatupad ng malalaking reporma, tiyakin ang ganap na pananagutan ng mga opisyal, at maghatid ng tunay at pangmatagalang pagbabago para sa mamamayan.















