-- Advertisements --

Iniulat ng U.S. Central Command, dakong 5:45 ng hapon (Eastern Time) sa Estados Unidos, naglunsad ng maraming ballistic missiles ang Islamic Revolutionary Guard Corps mula sa Iran bilang tangkang sorpresang pag-atake sa mga puwersa ng Amerika sa Gitnang Silangan.

Lahat ng naturang missiles ay matagumpay na na-intercept ng U.S. forces na nananatiling alerto at nasa mataas na antas ng kahandaan.

Ang insidenteng ito ay bahagi ng tumitinding tensyon sa rehiyon, kung saan matagal nang may alitan ang Iran at Estados Unidos kaugnay ng presensya ng mga tropang Amerikano sa Gitnang Silangan.

Sa mga nakalipas na taon, ilang beses nang nagkaroon ng palitan ng pag-atake, kabilang ang drone strikes at mga operasyon laban sa mga grupong itinuturing na kaalyado ng Iran.

Ang Islamic Revolutionary Guard Corps ay kilala bilang pangunahing puwersang militar ng Iran na madalas sangkot sa mga operasyon laban sa mga interes ng U.S. at mga kaalyado nito.

Sa kabila ng pagkaka-intercept ng mga missiles, nananatiling mataas ang pangamba na maaaring lumala pa ang sitwasyon at magdulot ng mas malawak na labanan sa rehiyon.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng U.S. forces ang galaw ng Iran at tiniyak na handa silang rumesponde sa anumang banta upang mapanatili ang seguridad ng kanilang mga tropa at kaalyado sa Gitnang Silangan.