“Unusual siya sa Department of Education dahil during my time, ‘yon lang po ‘yong malaking withdrawal ng Department of Education,” ito ang eksaktong pahayag ng dating LandBank DepEd branch manager na si Nenita Camposano nang usisain ni Senator-judge Imee Marcos sa ikasampung araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ukol sa encashment ng mga tseke na nagkakahalaga ng ₱37.5 milyon bawat isa.
Pinuna ni Sen. Imee Marcos ang tila magkaibang sagot ni Camposano. Ayon sa senadora, sinabi ni Camposano sa pagdinig sa House of Representatives na ang malalaking encashment ng gobyerno at mga pribadong kliyente ay regular na nangyayari, kaya tinanong niya kung bakit ngayon ay tinatawag itong “unusual” o hindi pangkaraniwan.
Ipinaliwanag ni Camposano na kapag ang buong branch ng bangko ang pag-uusapan, normal o “usual” lang ang malalaking withdrawal dahil may iba pang ahensya ng gobyerno at mga pribadong kumpanya na naglalabas ng malalaking halaga.
Subalit, nilinaw niya na kaya ito naging “unusual” ay dahil partikular ito sa Department of Education.
Aniya, sa buong panahon ng kanyang panunungkulan sa naturang branch, iyon lamang ang unang beses na nagkaroon ang DepEd ng ganoon kalaking cash withdrawal.
Sinabi ni Camposano na karaniwang wini-withdraw ng DepEd sa kanilang branch ay nagkakahalaga lamang ng humigit-kumulang ₱10 milyon, kaya ang transaksyong ₱37.5 milyon ay halos apat na beses na mas mataas sa normal nilang kinukuha.
















