-- Advertisements --

Sinamantala ng Sacramento Kings ang hindi paglalaro ng Golden State Warriors stars upang iposte ang ikatlo nitong panalo ngayong season, 121-116.

Pinangunahan ni triple-double king Russell Westbrook ang Sacramento at kumamada ng 23 points, 16 rebounds, at 10 assists habang naglalaro bilang forward mula sa nakagawiang guard position. Nag-ambag naman ng 25 points ang midrange specialist na si DeMar DeRozan.

Dahil sa hindi paglalaro ng mga Warriors star tulad nina Stephen Curry, Draymond Green, at Jimmy Butler, namayagpag ang ilang bench ng koponan.

Kumamada ang rookie ng Warrios na si Will Richard ng 30 points at pitong rebounds habang 24 points at siyam na rebounds naman ang ipinoste ng forward na si Jonathan Kuminga.

Hawak pa ng GSW ang lead sa unang kalahating bahagi ng laban ngunit pilit itong hinabol ng Kings sa 3rd quarter.

Muli ring nagpumilit ang mga bagitong Warriors sa 4th quarter ngunit sa huli, namayani ang clutch defense ng mga batikang Kings at tinapos ang laban, hawak ang 5-point lead.

Sa kabila ng hindi paglalaro ng mga Warriors star, nagawa ng koponan na magpasok ng 17 3-pointers habang tanging 11 na tres lamang ang sagot ng Kings.

Gayunpaman, binantayan ng Sacramento ang paint area at kumamada rito ng 54 points kumpara sa 40 points na ipinasok ng Warriors.

Ito na ang ika-apat na pagkatalo ng GSW ngayong season, hawak ang limang panalo.