OAKLAND, California – Natuldukan na rin ng Golden State Warriors ang kanilang kamalasan na tatlong sunod-sunod na talo nang maidispatsa ang Philadelphia Sixers, 106-104.

Maging si Stephen Curry ay bumawi rin at pumasok na ang kanyang mga tira sa 3-point areas.

Bumida si Curry sa kanyang 29 points na nataon pa na kanyang 29th birthday, habang tumulong ang kanyang Splash Brother na si Klay Thompson ng 28 points.

Kinailangan pa ng Warriors na gumawa ng fourth quarter rally dahil sa kalamangan ng 76ers.

Agaw pansin pa ang ginawa ni Dario Saric na sinadyang hindi i-shoot ang ikalawang free throw na may 2.6 seconds ang nalalabi para sana makapuntos pa ang Sixers.

Pero suwerteng na-safety na ni Curry ang bola.

Kahit may ilang mintis pa rin si Curry naipasok niya ang pinakamahalagang three pointer.

Si Saric ay tumipon ng  25 points para sa ika-walong kabiguan ng Sixers (24-43) na hindi pa rin nakalusot sa kamay ng Golden State (53-14).