Todo paliwanag ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa isyu ng sinasabing kakulangan ng suplay ng paracetamol na karaniwang ginagamit na gamot sa lagnat.
Sa advisory na inilabas ng DTI, wala umanong kakulangan ng suplay kundi nagkaroon lamang ng mataas na demand ng naturang gamot ngayong Enero na karaniwan ay nagkakaroon ng ubo, sipon at lagnat ang ating mga kababayan dahil na rin sa malamig na panahon.
Sinabi pa ni DTI Secretary Ramon Lopez na ang dalawang sikat na brand ng naturang gamot ang Biogesic at Decolgen na gawa ng local pharmaceutical company Unilab ay pansamantalang nagkaubusan ng stock sa ilang lugar dahil sa isyu ng delivery.
Tiniyak naman ni Lopez na mayroon nang bagong deliveries ngayong linggo sa iba’t ibang botika sa bansa.
Pinayuhan din ng kalihim ang ating mga kababayan na bumili na lamang muna ng ibang brand at generics ng paracetamol dahil may sapat naman itong suplay sa ngayon.
Nakikipag-ugnayan na raw sa ngayon ang DTI sa mga drugstores na limitahan lamang ang ibebentang gamot sa isang indibidwal para maiwasan ang panic buying.
Base kasi sa advisory ng ilang local pharmaceutical company na ilang brand ng kanilang paracetamol ang pansamantalang out of stock dahil sa umano’y “extraordinary demand.”
Una rito, inamin ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na naranasan ang bahagyang kakulangan ng ilang brand ng paracetamol sa ilang mga lugar sa bansa.
Ginawa ng naturang pharmaceutical group ang naturang pahayag kasunod ng sinabi ng Department of Health (DoH) na may sapat na suplay ng paracetamol sa bansa.
Sa isang statement sinabi ng PHAP na sa nakakaranas ng temporary shortage sa ilang brands ng paracetamol dahil sa pag-iingat laban sa Omicron variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) at bilang ng mga indibidwal na nagkakasajkit dahil sa iba’t ibang dahilan.
Naobserbahan ang bahagyang kakulangan ng ilang brands ng paracetamol sa Metro Manila.
Bagamat maaari naman aniya humingi ang pasyente sa kanilang doktor o pharmacists ng ilang alternatibo kung hindi available ang brand ng naturang gamot.
Sa ngayon, mayroon aniya silang sapat na suplay ng analgesics.
Hinikayat ng PHAP ang publiko na komunsulta sa kanialng doktor ay pharmacists para sa angkop na alternatives kung sila ay nakakaranas ng temporary shortage ng paracetamol sa kanilang lugar.
Gayundin huwag magoverstock at bumili lamang ng kailangang sapat na gamot dahil mayroon lamang limitadong shelf life o expiration date ang mga gamot at para na rin smay mabili ang iba pang mga pasyenteng higit na nangangailangan ng naturang gamot.