Kumpiyansa si House Deputy Speaker for Finance “LRay” Villafuerte na walang makikitang pork barrel ang Senado sa loob ng General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Kamara kamakailan.
Pahayag ito ni Villafuerte matapos na akusahan kamakailan ni Sen. Panfilo Lacson ang Kamara ng pagsingit umano ng pork barrel sa panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sinabi ni Villafuerte na kahit busisiin pa ng mabuti ng Senado ang panukalang pambansang pondo ay tiyak na walang makikita ritong pork barrel.
Sinisira lamang aniya ng senador ang reputasyon ng Kamara matapos na magparatang iti ng mali hinggil sa sinasabing bilyon-bilyong pork insertions.
Kung titingnan ayon kay Villafuerte, sa simula pa lamang ay sablay na si Lacson nang ibinunyag nito ang P54 billion na isiningit o tig-P700 million para sa bawat congressional district na nakapaloob sa 2020 budget.
Pero kung imu-multiply aniya ang naturang halaga sa 300 kongresista, ay aabot ito sa P210 billion na lampas pa sa isiniwalat ni Lacson.
Giit pa ni Villafuerte, paano ito mangyayari gayong mapapansin dapat agad ito ng publiko dahil mahigit P200 billion ang kailangang itapyas at i-realign sa mga alokasyong inaprubahan ng Malacañang para sa mga ahensya at programa.