-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang VIP treatment ang tinatanggap ni Engr. Brice Hernandez sa Pasay City Jail, matapos siyang ilipat mula sa PNP Custodial Center kagabi.

Ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Joseph Bustinera, nagpatupad ng karagdagang seguridad sa kulungan kasunod ng pagdating ni Hernandez.

Sa kasalukuyan, solo umano ito sa kanyang selda bilang bahagi ng mandatory quarantine protocol para sa mga bagong dating na bilanggo.

Hindi pinapayagan ang sinuman na samahan ang bagong pasok na inmate habang nasa quarantine period at pansamantalang ipinagbabawal ang pagtanggap ng bisita kay Hernandez habang nasa ilalim ng nasabing proseso.

Si Engr. Hernandez ay ipinasok sa Pasay City Jail base sa bisa ng contempt order ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng isang isinasagawang imbestigasyon.

Patuloy na binabantayan ng BJMP ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa loob ng pasilidad.