Iniulat ng Department of Social Welfare and Development na walang internally displaced persons (IDPs) sa Negros Island Region sa kabila ng panibagong pagputok ng bulkang Kanlaon.
Batay sa report ng ahensiya, walang nangyaring evacuation o paglikas sa mga komunidad na nakapalibot sa bulkan.
Kabilang dito ang La Castellana, Canlaon City, Murcia, La Carlota City, at Bago City.
Sa kabila nito ay nananatili sa ground ang Quick Response Teams (QRTs) upang bantayan ang sitwasyon ng mga komunidad at magsagawa ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa DSWD, nakahanda ang mga ito na maglaan ng technical assistance at posibleng resource augmentation kung kinakailangan.
Maliban sa mga naka-preposisyon na family food packs, nakatakda na ring dalhin sa mga apektadong komunidad ang iba pang logistics ng DSWD tulad ng mobile kitchen, mobile command center, at water filtration trucks.
Nitong kalagitnaan ng taon nang ibinaba sa Alert Level 2 ang alerto sa bulkang Kanlaon at pinayagang bumalik ang mga apektadong residente sa kani-kanilang mga bahay.















