-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na walang exempted sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang mga alegasyon ng korupsyon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.

Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na nagsimula sa maling paraan ang mandatong ito ni Pangulong Duterte dahil mistulang exempted sa imbestigasyon sina DPWH Sec. Mark Villar at Health Sec. Francisco Duque III matapos nitong sabihing naniniwala siyang hindi korup ang mga nasabing opisyal.

Ayon kay Sec. Roque, hahayaan ni Pangulong Duterte ang binuong mega-task force na mag-imbestiga at walang sisinuhin kung may makitang ebidensya.

Iginiit ni Sec. Roque na kahit sino pa, gaano man ito kalapit kay Pangulong Duterte at kahit pinupuri pa nito pero sa oras na may ebidensya ng katiwalian, tiyak na lilitisin at parurusahan ang sangkot na opisyal.