Isinagawa ngayong araw, Setyembre 13, sa bayan ng Sikatuna, Bohol ang Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat,” kasabay ng ika-68 taong kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinangunahan ito ng mga kinatawan mula sa pambansang pamahalaan at lokal na pamahalaan, katuwang ang mga ahensyang tulad ng Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Agriculture, Department of Health, at Department of Trade and Industry.
Layon ng aktibidad na ilapit sa mamamayan ang mga pangunahing serbisyo ng gobyerno, kabilang ang libreng medikal na konsultasyon, tulong-pangkabuhayan, social welfare assistance, at enrollment sa iba’t ibang programa.
Namahagi rin ng ayuda sa mga piling benepisyaryo bilang bahagi ng patuloy na pagtutok ng administrasyon sa serbisyong makatao at inklusibo.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Gov. Aris Aumentado na ang aktibidad ay patunay ng pagsusumikap ng kasalukuyang administrasyon na maihatid ang inclusive at accessible na serbisyo publiko sa bawat komunidad.
Bilang pagtatapos ng kanyang mensahe, nagpaabot si Aumentado ng pagbati at pasasalamat kay Pangulong Marcos para sa kanyang pamumuno na aniya’y naging daan para maisakatuparan ang aktibidad.














