Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang ibang bansa o dayuhang entidad ang maaaring magtakda kung paano paiigtingin ng Pilipinas ang depensa nito.
Ito ay tugon ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa pahayag ng China na dapat agad alisin ang US-made Medium Range Capability (MRC) Typhon missile system, na una nang sinabi ng Pilipinas na pansamantala lamang ang deployment.
Ani Padilla, Walang sinumang dayuhang bansa ang maaaring magdikta kung paano namin palalakasin ang aming depensa.
Binigyang-diin din niya na ang mga ginagawang military exercises kasama ang mga kaalyadong bansa ay bahagi ng pagpapalakas ng kakayahang panseguridad ng AFP.
Ang Medium Range Capability (MRC) Typhon ay dinala ng US noong nakaraang taon para sa pagsasanay ng mga sundalong Pilipino sa “Salaknib” at “Balikatan” exercises bilang bahagi ng plano ng Pilipinas na magkaroon ng katulad na sistema ng sandata sa hinaharap.
Nauna nang binatikos ng China ang presensya ng naturang missile system, na anila’y maaaring magdulot ng “arms race” sa rehiyon ng Asia-Pacific.