Nagpahayag ng pagtutol si Vice President Sara Duterte sa talamak na online gambling.
Ayon sa bise presidente, hindi siya sang-ayon sa lahat ng klase ng pagsusugal online dahil hindi umano nakokontrol ng mga magulang ang kanilang mga anak sa internet.
Dagdag ni VP Sara, dahil sa online gambling madaling nauubos ang pera ng mga Pilipino at kadalasan pang nauuwi sa pagkabaon sa utang.
Kumporme naman daw ang pangalawang pangulo sa regulated gambling kung saan hindi basta-basta makapagsusugal ang kahit sino.
Ngunit aniya kung ilalagay ito online at mawawala na ang kontrol kung sino ang maaaring magbukas ng account para magsugal ay hindi raw siya pabor dito.
Dagdag pa niya, ang ganitong uri ng sugal ay nagiging daan upang malubog sa utang ang mga pamilya at mawalan ng direksyon ang kinabukasan ng mga kabataan.
Una nang naghain ng panukalang batas ang ilang mambabatas upang tuluyan nang ipagbawal ang online gambling sa Pilipinas.