Bigong magpakita si Vice President Sara Duterte sa kanyang ikalawang preliminary investigation sa Department of Justice na isinagawa naman ngayong araw.
Kung saan, hindi sumipot ang naturang bise presidente upang iprisenta ng aktwal ang kanyang sarili kaugnay sa mga reklamong isinampa laban sa kanya.
Nahaharap kasi si Vice President Sara Duterte sa mga reklamong inciting to sedition at grave threats matapos ihain ito ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice.
Ang mga naturang reklamong nabanggit ay nag-ugat sa mga isinapublikong pahayag ng bise presidente na pagbabanta sa buhay ni Pangulong Bongbong Marcos, first lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyaring masama sa kanya.
Ngunit sa kabila nito, nagbigay paliwanag naman ang kanyang kampo, partikular ng kanyang mga abogado na sina Atty. Michal Poa at Atty. Paul Lim kung bakit wala ang ikalawang pangulo sa pangalawang preliminary investigation.
Anila’y hindi naman raw kinakailangan nitong dumalo sa nakatakdang pagdinig ngayong araw at tanging panig ng National Bureau of Investigation (NBI) naman ang hinihintay na magsumite ng ‘reply’.
Ito ay matapos nilang magsumite ng counter affidavit noong nakaraang linggo upang ipaliwanag at madepensahan ni Vice President Sara Duterte ang sarili kontra sa mga ibinabatong reklamo laban sa kanya.
Kaya’t dahil dito, tanging mga abogado na lamang ng ikalawang pangulo ang humarap at sumalang sa naka-skedyul na ikalawang preliminary investigation sa Department of Justice.