Nanawagan si Vice President Leni Robredo na bilisan pa ng gobyerno ang accreditation sa sertipikasyon ng mga laboratoryong naga-apply para maging COVID-19 testing facility.
Tugon ito ni Robredo sa lumalala nang ulat ng returning OFWs na hindi pa rin nakukuha ang resulta ng test kahit nakatapos na s 14-day quarantine.
“Mayroong mga sumusulat sa amin halos isang buwan na sila sa loob ng quarantine facility. Hindi sila makauwi sa kanila kasi ang pinapahintay iyong test,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio show.
Ayon sa pangalawang pangulo, maraming nababagalan sa proseso ng accreditation. Ito raw ang dahilan kaya mababa pa rin ang testing capacity ng bansa.
Iminungkahi ni Robredo na makipag-coordinate ang mga otoridad sa pribadong sektor para gumaan ang ginagawang proseso.
“Kung sino pa iyong marunong sana pagtulong-tulongan na iyong accreditation kasi kailan pa ba tayo magdadagdag.”
Target ng pamahalaan na umakyat sa 30,000 tests kada araw ang kapasidad ng mga laboratoryo sa bansa para sa COVID-19.