Dinaluhan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco ang pagdiriwang ng ika-35 anibersaryo ng Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) noong Miyerkules, Hulyo 30.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin nni Secretary Frasco ang mahalagang papel ng Mactan airpot sa paghubog ng turismo at pangkabuuang kaunlaran ng Pilipinas.
Ayon sa kanya, ang tagumpay ng naturang paliparan ay patunay ng katatagan ng institusyon at ng matagal nang kontribusyon nito sa pambansang konektibidad at inklusibong pag-unlad.
Ipinagmalaki rin ng kalihim ang pagho-host ng Cebu sa dalawang mahalagang kaganapan ng United Nations Tourism noong nakaraang taon at ang nakatakdang paghost naman ng Cebu sa ASEAN Tourism Forum sa susunod na taon.
Sa kabila ng mga hamon tulad ng trapiko, kakulangan sa suplay ng tubig at kuryente, at tumataas na gastusin, nananatili pa aniyang matatag at kinikilala ang Cebu sa buong mundo.
Noong 2024, kinilala ito bilang Asia’s Leading Wedding Destination sa World Travel Awards. Ngayong taon naman, isa ito sa mga finalist para sa Most Desirable Region in the World ng Wanderlust Travel Awards 2025.
Bilang tugon pa sa pangangailangan ng rehiyon, inilunsad ng kagawaran ang mga repormang hindi pa kailanman nakita sa nakaraan, kabilang ang visa-free access para sa mga turista mula Taiwan at India, ang digital nomad visa para sa mga dayuhang propesyonal, at ang VAT refund program para sa mga turista upang itaguyod ang mga industriya ng retail, disenyo, at sining, lalo na sa Cebu.
Pinalawak din ang mga insentibo para sa mga mamumuhunan sa sektor ng turismo—mga hakbang na tinawag ni Frasco na “structural intervention” at hindi isang pagbabago sa polisiya.