Patuloy na binabantayan ang Low Pressure Area (LPA 07j) na nasa layong humigit-kumulang 1,060 kilometro silangan-hilaga ng Extreme Northern Luzon o sa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) dahil sa mataas na tyansang maging tropical depression sa loob ng 24 na oras.
Ayon kay weather specialist Loriedin De la Cruz-Galicia, bagamat malayo pa sa lupa ng Pilipinas ang naturang LPA, malapit na ito sa hangganan ng PAR at posibleng pumasok sandali bago muling lumihis patungong hilagang-silangan.
Kapag ito’y naging ganap na bagyo at pumasok sa PAR, tatawagin itong “Fabian”, ang kauna-unahang bagyo ngayong Agosto at ang magiging ika-anim sa taong 2025.
Pero wala pa itong direktang epekto sa bansa sa ngayon, ngunit inaasahang palalakasin nito ang habagat (southwest monsoon) kaya’t magiging maulap at magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa ilang bahagi ng Luzon, gaya ng Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, at Benguet.
Maging ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay posibleng makaranas ng biglaang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Sa Visayas at Mindanao naman, partly cloudy to cloudy skies ang inaasahan na may posibilidad ng saglit na pag-ulan.
Tinaya ng PAGASA na tatlong bagyo ang posibleng pumasok o mabuo sa loob ng PAR ngayong Agosto, at hanggang 16 na bagyo mula Agosto hanggang Disyembre.
Binanggit rin ng ahensya na may mataas na posibilidad ng La Niña phenomenon sa mga susunod na buwan, na maaaring magdulot ng higit sa normal na pag-ulan at mas aktibong panahon ng bagyo.