-- Advertisements --

Naniniwala si dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na may pagkakataon pang kwestyunin ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa impeachment complaint vs VP Sara Duterte.

Ito aniya ay kahit pa unanimous ang naging desisyon ng kataas-taasang hukuman ng bansa.

Ayon kay Justice Azcuna, maaari pa ring maghain ang Kamara de Representantes ng kanilang motion for reconsideration (MR) upang kwestyunin ang desisyon.

Naniniwala ang dating associate justice na mayroon laging pagkakataon o tyansa na mabago ang desisyon ng korte, lalo na kung may mga bagong argumento na iprepresenta o ilalahad. Maaaring ilan sa kanila aniya ay babaguhin din ang kani-kanilang boto.

Inihalimbawa rin ni Azcuna ang hindi pagbibigay ng SC ng pagkakataon sa Kamara upang sumagot o magkumento sa desisyon ng high court.

Aniya, ito ay hayagang paglabag sa prinsipyo ng due process, kaya’t magandang pagkakataon pa rin ito upang kuwestyunin ang naturang desisyon.

Hulyo-25 nang naglabas ng desisyon ang Korte Suprema at tuluyang idineklara ang articles of impeachment laban sa pangalawang pangulo bilang uncostitutional.

Katwiran ng high court, nilabag ng complaint ang 1-year bar rule na itinatakda ng saligang batas. Ang naturang panuntunan ay nagtatakda ng isang taon na pagitan bago muling maghain ng isang impeachment complaint laban sa isang impeachable official ng bansa.