-- Advertisements --

Tinawag ni Vice Pres. Leni Robredo ang pansin ng mga uniformed personnel kaugnay ng pagpapatupad ng government measures kontra pagkalat ng COVID-19.

Ito’y sa gitna ng mga lumabas na ulat kamakailan tungkol sa hindi raw patas na enforcement ng ilang sundalo at pulis.

“Sa unipormadong hanay: Maging mahinahon tayo sa pagpapaalala sa mga patakaran ng social distancing. Virus ang kalaban natin, at hindi ang ating kapwa Pilipino. Maging makatao sana tayo sa pagpapatupad ng anumang atas o tungkulin,” ani Robredo sa isang video message.

Sa nakalipas na mga linggo, naging maingay ang ilang ulat tungkol sa labis umanong enforcement ng ilang opisyal.

Tulad ng pagbaril-patay sa retiradong sundalo na si Winston Ragos sa checkpoint sa Quezon City na inakusahang may baril.

Pati na ang pambubugbog ng ilang QC officials sa isang tindero ng isda na bigong magsuot ng face mask.

“Binibigkis tayo ng iisang layunin: Ayaw nating may magdusa o mamatay, nang dahil man sa COVID-19, o nang dahil sa kahirapan. Iisa ang batayang kaisipan ng lahat ng ating pagkilos: Ang mabuhay. Tungkulin ng lahat ang manatili sa mga tahanan hangga’t maaari, para maampat ang pagkalat ng virus.”

“Alam kong malaking sakripisyo ito para sa marami, pero tandaan natin: Buhay ang laging nasa timbangan. Mas matimbang ang buhay at mas agaran ang pangangailangang matigil ang pagkalat ng sakit.”