Inihayag ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na inaasahang ilalabas na ng Estados Unidos ang pormal na kahilingan para sa extradition ni Pastor Apollo Quiboloy, na nahaharap sa kasong panggagahasa sa menor de edad at human trafficking.
Ayon sa envoy, may request na pero ang pormal na hakbang sa pagsisimula ng proseso ay sa pamamagitan ng note verbale na hinihintay ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang kasong kinahaharap ni Quiboloy sa US ay pang-aabuso at sex trafficking ng mga menor de edad, kung saan sinampahan na siya ng kaso ng isang federal grand jury sa US District Court for the Central District of California.
Kabilang sa mga kasong nakabinbin laban sa kanya ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud, and coercion, conspiracy at bulk cash smuggling.
Matatandaan noong November 10, 2021, nagpalabas na ang korte sa California ng federal warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Nilinaw ni Romualdez na kapag natanggap na ng DFA ang pormal na kahilingan mula sa Washington, ito ang magiging panimulang hakbang para sa extradition proceedings alinsunod sa umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.