Magiging abala pa rin umano si Vice-Presidente Leni Robredo kahit hindi na papasok ngayong Huwebes sa kanyang tanggapan sa Quezon City dahil ookupahan na ito ng incoming Vice President Sara Duterte-Carpio.
Ayon sa pangalawang pangulo, pag-uukulan din daw kasi nila ng pansin sa darating na July 1 at July 2 ang paglulunsad ng programang Angat Buhay.
Sinabi ni VP Leni na ginawa nilang simple ang proyekto dahil tumataas pa rin ang COVID cases.
Inamin din naman ng outgoing vice president na nag-alsa balutan na sa kanyang opisina na nagulat sila ng magsagawa ng sign up sa loob lamang ng 30 minuto ay marami ang nagpalista para mag-volunters.
Sa ngayon aniya ay nasa 5,000 na ang nagpalista na sa akala nila ay 3,000 lang sana.
Kaugnay nito ililipat na rin daw ng tanggapan ang pangalawang pangulo na Volunteer Center sa Katipunan, Quezon City.
Sinabi rin ni Robredo na ang pinakaunang focus ng program nila ay sa education at health.
Dahil dito nagtalaga na rin daw sila ng Program Officer for Education, Program Officer for Health, at program officer para sa disaster risk reduction.
“Although officially, mag-e-end ang term namin ng June 30 at noon pero hindi na kami papasok dito. We will be hard at work preparing for the July 1 and 2 event for Angat Buhay. ‘Yung sa Angat Buhay, nag-decide kami na gawin siyang mas simple kaysa ‘yung doon sa dating pinaplano, dahil sa tumataas na number of COVID cases,” ani Robredo.