MANILA – Kung si Vice President Leni Robredo raw ang tatanungin, si Vaccine czar Carlito Galvez ang dapat purihin dahil sa pangunguna nito para makakuha ng supply ng bakuna ang Pilipinas.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos ianunsyo ni Galvez na ngayong buwan ay inaasahang darating sa bansa ang mga doses ng bakuna mula sa COVAX Facility.
“Iyong darating, ito to the credit ito ni Secretary Galvez na ito kasi, Ka Ely, iyong assistance ng WHO, parang naglagay sila ng COVAX facility, ibibigay ng WHO sa mga developing countries o sa mga bansa na hindi kayang makipagsabayan doon sa mga mayayaman na bansa sa pag-avail ng vaccine,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ni Galvez na may 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na dadating sa bansa ngayong buwan.
Pagdating naman ng Marso, asahan din daw ang pagsisimula ng pagdating ng porsyento ng hanggang 9-million doses ng AstraZeneca vaccine.
Ang COVAX Facility ay isang inisyatibong pinangunahan ng World Health Organization (WHO) para mabigyan ng pantay na access sa bakuna ang mga mahihirap na estado.
Bukod sa inaasahang pagdating ng mga bakuna, inanunsyo rin ni Galvez ang apat na ospital na unang makakatanggap ng bakuna.
Kabilang dito ang Philippine General Hospital, East Avenue Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Lung Center of the Philippines.
Pero ayon kay Robredo, dapat ngayon pa lang ay pina-plantsa na ng pamahalaan ang listahan ng mga pangalan ng healthcare workers na matuturukan.
“Kasi alam natin na parang time-bound kasi ito, Ka Ely, eh. Hindi siya puwedeng matagal. Kung naaalala mo, Ka Ely, nabasa natin sa news iyong last week ba iyon, na sa ano nga, sa America, may nata-traffic na mag-e-expire na iyong ano ito, iyong vaccine in six hours.”
Sa ilalim ng Vaccine Deployment Plan, ang mga healthcare workers ang una sa priority list na mababakunahan. Sumunod ang senior citizens, mga mahihirap at uniformed personnel.