Naghain si Senate Minority Leader Tito Sotto III ng panukalang batas na naglalayong ipatupad ang karapatan ng mamamayan sa impormasyon at isulong ang ganap na pagbubunyag ng mga transaksiyon ng pamahalaan na may kinalaman sa public interest.
Tinawag itong People’s Freedom of Information Act of 2025 kung saan ang panukala ay magbibigay-daan sa publiko na magkaroon ng access sa mahahalagang impormasyon hinggil sa mga gawain at transaksiyon ng gobyerno. Giit ni Sotto, matagal nang dapat naipatupad ang Freedom of Information (FOI) Law.
Gayunpaman, malinaw sa panukala na mananatiling confidential ang mga sensitibong personal na impormasyon tulad ng lahi, pinagmulan, rekord sa kalusugan, edukasyon, buwis, at iba pang pribadong datos.
Kasama sa panukala ang obligasyon ng mga opisyal ng pamahalaan na isapubliko ang kanilang taunang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Kabilang dito ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga miyembro ng Gabinete, Kongreso, Kataas-taasang Hukuman, Constitutional Commissions at other constitutional offices, gayundin ang mga opisyal ng Armed Forces na may ranggong Heneral o Flag Officer.
Inaatasan din ang lahat ng ahensya mula sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na i-upload sa kani-kanilang website—na may buwanang update—ang talaan ng mga transaksiyon, dokumento at rekord gaya ng taunang budget, buwanang koleksiyon at gastusin, buod ng kita at paggasta, procurement plan at listahan, mga bibilhin sa pamamagitan ng bidding, at mga procurement contract.
Nakasaad din sa panukala na ang sinumang opisyal na magtatago, tatanggi, sisira, babago o mangingialam sa impormasyon ay papatawan ng parusang pagkakakulong mula isang buwan hanggang anim na buwan, at multang ₱10,000 hanggang ₱100,000.
Ayon kay Sotto, sa makabagong panahon kung saan madaling makuha ang datos online, dapat ding maging madali para sa mga mamamayan ang pag-access sa impormasyon hinggil sa mga transaksiyon, proseso at gawain ng pamahalaan.