-- Advertisements --

Nakahanda umano si drug czar Vice President Leni Robredo na sumama sa mga actual anti-drug operation.

Reaksyon ito ni VP Robredo sa naging hamon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director-general Aaron Aquino para malaman umano nito ang tunay na nangyayari sa mga anti-drug operations at bakit may napapatay na mga suspek.

Sa isang ambush interview matapos ang pananalita sa 14th Indo-Pacific Conference of the Theosophical Society sa Quezon City, sinabi ni VP Robredo na ang hamon ni Usec. Aquino ay kagaya lamang ng naging alok na posisyon bilang drug czar ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya inurungan.

Pero ayon kay VP Robredo, hindi naman mahalaga kung sino ang nandun sa mga operasyon kundi kung ano ang resulta nito.

Samantala, sa kanyang talumpati, muling iginiit ni VP Robredo na hindi mapagtatagumpayan ang laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng dahas at pagdanak ng dugo kundi sa pamamagitan ng kagitingan, dedikasyon at malasakit.

Kaya daw niya umano tinanggap ang pagiging drug czar sa kabila ng pagkontra ng mga kaalyado ay para makapagligtas ng inosenteng buhay.