Lalo pa umanong tataas ang suhol na ibibigay sa ilang kongresista kapalit ang kanilang boto para sa speakership race.

Bago sumalang sa meeting ng party-list coalition, sinabi ni Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales na ang vote buying para sa speakership race ay posibleng umabot pa ng hanggang P7-milyon bawat kongresista.

Hindi hamak aniya na mas malaki ito kung ikumpara sa nauna nang napabalitang P2 million na suhulan.

“Sa 2 million maliit pa iyon. I heard yesterday na magiging P7 million pa iyan. Sana huwag ganon,” ani Gonzales.

Iginiit ni Gonzales, isa sa mga nagnanais na maging Speaker sa 18th Congress, na hindi dapat ito ginagawa sa Kamara sapagkat sinsisira nito ang imahe ng institusyon.

Kaya umaapela ang kongresista sa sinumang gumagawa nito na ihinto na ang panunuhol dahil tiyak na maraming damages aniya ang kaakibat nito.