-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Ibinasura ng Aklan Provincial Prosecutors Office ang kasong vote-buying laban sa isang 56 anyos na lalaki dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Kinumpirma ito ni Police Captain Jayson Mausig, hepe it Madalag Municipal Police Station.

Sa ngayon ay pansamantalang nakalaya ang lalaki batay sa utos ng piskalya.

Dagdag pa ni Capt. Mausig na binigyan sila ng piskal ng pagkakataon na mangalap pa ng karagdagang ebidensya para sa muling pagsasampa ng kaso sa pamamagitan ng regular filing.

Nabatid na noong Mayo 12, 2025 ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 26 ng Comelec Resolution No. 11104 si alyas “Romeo”, residente ng Barangay Logohon, Madalag, Aklan matapos na maharang sa isang checkpoint bandang alas 9:15 ng gabi noong bisperas ng eleksyon habang sakay ng kanyang motorsiklo.

Nakuha sa kanya ang isang stripe na plastic sando bag na naglalaman ng mga sobre na may pera na may kabuuang halaga na P21,900 sa iba’t-ibang denominations, sample ballots, campaign materials, at listahan ng coordinators at leaders.