Itinaas sa yellow alert ang Visayas power grid ngayong Miyerkules matapos ang ilang serye ng pagkawala ng suplay ng kuryene kasunod ng malakas na pagyanig na tumama sa Bogo City, Cebu kagabi, Setyembre 30.
Sa advisory mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), epektibo ang yellow alert mula alauna ng hapon hanggang mamayang alas-12 ng hatinggabi ngayong Oktubre 1.
Ayon sa grid operator, mayroong kasalukuyang kapasidad ang grid na 1,888 megawatts na kaunti na lamang ang agwat mula sa peak demand na 1,839 MW.
Nasa 27 planta din ang nag-forced outage dahil sa lindol habang ang 16 na iba pa ay hindi available bago pa man ang pagyanig. May isa namang kasalukuyang gumagana subalit nasa derated capacity.
Sa kabuuan, nasa 1654.7 MW ang hindi available sa grid.
Ilan sa mga dahilan na nakadagdag sa pagtataas sa yellow alert sa grid ay ang nawalang 1,444.1MW mula sa grid matapos mag-trip o pansamantalang nawalan ng suplay ang 27 planta ng kuryente.
Inilalagay ang isang grid sa yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang tugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Saklaw ng Visayas grid ang interconnected island grids sa Cebu, Negros, Panay, Leyte, Samar at Bohol.
Samantala, kasalukuyang nasa normal na kondisyon naman ang Luzon at Mindanao power grid.