-- Advertisements --

Maituturing na posibleng paglabag sa privacy at cybercrime law sa Pilipinas ang viral na “screenshot gift” video ayon sa isang Digital advocates.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, Digital Pinoys campaigner, binanggit niyang maaaring kasuhan ang nag-upload ng viral na video sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act, Data Privacy Act of 2012, at Cybercrime Prevention Act.

Sinabi pa ni Gustilo na ang mga batas na ito ay nagbabawal sa pag-record, pag-share, at pag-repost ng pribadong nilalaman nang walang pahintulot, tulad ng mga screenshot ng private conversations.

Maaari pang magresulta sa pagkakakulong at multa ang mga paglabag na ito.

“Recording or exposing someone online without consent is not accountability—it is a rights violation with real legal consequences,” saad pa ni Gustilo.

Binanggit pa niya na hindi tamang ikalat ang pribadong nilalaman online nang walang pahintulot, at hindi ito makatarungang hakbang.

Ayon pa sa kanya, ang mga kasong naglalaman ng malisyosong content na makakasira sa reputasyon ng tao o grupo ay may kalakip na pananagutan.

Hindi rin aniya dapat gawing paraan ang online exposure o public shaming upang maghiganti o magbigay ng hustisya.

Tiniyak ni Gustilo na malinaw sa mga batas na ang consent o pahintulot ng isang tao ay kailangang hayagan o explicit.

“Beyond online debate and speculation, these laws provide clear protections against non-consensual recording and public exposure, and violations are treated as criminal offenses—not acts of justice nor mere lapses in judgment,” dagdag pa nito.

Binigyan-diin din nito na ang pagpapakalat ng mga malisyosong nilalaman online ay maaaring magdulot ng responsibilidad hindi lamang sa unang nag-upload kundi pati na rin sa mga nag-repost nito.

Hinimok naman ni Gustilo ang publiko na maging responsable sa paggamit ng digital platforms at magsulong ng digital literacy upang maprotektahan ang karapatan sa online world.