Natuklasan ng mga otoridad na nakaranas din ng sexual abuse ang Pilipinang domestic worker (DH) sa Kuwait na pinaslang ng kanyang sariling mga amo noong Disyembre.

Batay sa autopsy na ginawa ng National Bureau of Investigation sa katawan ni Jeanalyn Villavende, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na mayroong “clear indications” na namolestiya rin ang naturang Overseas Filipino Worker.

May nakita ring mga humilom nang sugat sa labi nito na indikasyon aniya na makailang ulit na ring nabubugbog si Villavende bago ito nasawi.

Una rito, batay sa initial autopsy sa bangkay na isinagawa ng isang ospital sa Kuwait, nakita na bumigay ang puso at baga ng Pinay DH dahil sa “shock and multiple injuries vascular nervous system [sic].”