Nagpatupad na ng malawakang paghahanda ang Vietnam laban sa paparating na Bagyong Bualoi (dating Opong), kabilang ang pagsasara ng apat na paliparan at paglikas ng mahigit 15,000 katao sa mga posibleng maapektuhang lugar.
Ayon sa national weather agency ng Vietnam, taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 133 km/h at inaasahang tatama sa gitnang bahagi ng bansa ngayong Linggo ng gabi, Setyembre 28.
Babala ng ahensya, ang bagyo ay mabilis kumilos at may malawak na saklaw, kabilang ang malalakas na ulan, pagbaha, landslide, at pagtaas ng tubig sa baybayin.
Nauna nang binaha ang ilang bahagi ng Hue at Quang Tri dahil sa malalakas na pag-ulan. Naka-deploy narin ang libo-libong sundalo sakaling kailanganin.
Matatandaang madalas tamaan ng malalakas na bagyo ang Vietnam kung saan noong nakaraang taon, halos 300 ang nasawi at bilyon-bilyong dolyar ang pinsala matapos manalasa ang Bagyong Yagi.