-- Advertisements --

Nagsagawa na ng malawakang power restoration ang Department of Energy (DOE) sa Masbate matapos manalasa ang bagyong Opong sa lalawigan.

Kung saan nagpadala na ang DOE ng mga linemen at equipment mula sa iba’t ibang rehiyon, kabilang na ang 13 personnel mula sa First Catanduanes Electric Cooperative (FICELCO) at siyam pang team mula Region V.

May mga karagdagang grupo ring ipinadala sa Ticao Island upang tumulong sa pagsasaayos ng linya ng kuryente.

Mayroong 40 Task Force Kapatid teams din mula sa iba’t ibang rehiyon na patungo na rin sa Masbate, katuwang ang Philippine Navy at Philippine Ports Authority para sa mabilis na deployment. Nagpadala rin ang National Power Corporation (NPC) ng portable generator sets sa Mobo Substation upang pansamantalang mapailawan ang mga kritikal na pasilidad gaya ng ospital.

Samantala, iniulat din ng DOE na may sapat na supply ng gasolina sa lalawigan kung saan 13 sa 27 gasolinahan ay bukas at aktibo, habang operational din ang mga fuel depot ng Filoil at Shell.

Kaugnay nito sinabi pa ng DOE na patuloy nilang binabantayan ang iba pang lugar na naapektuhan ng bagyo, ngunit tiniyak na Masbate ang pangunahing prayoridad sa ngayon.