Tumugon si Vice Ganda sa mga batikos sa kanyang mga pelikula sa Box Office Hero Award na iginawad sa kanya sa 8th Entertainment Editors’ Choice Awards (EDDYs) noong Hulyo 20.
Giit ng host at komedyante, ang kanyang mga pelikula ay nagsisilbing pantakas at kasiyahan para sa pangkaraniwang Pilipino.
“Marami ang nagsasabing wala raw kwenta ang mga pelikula ko — puro kabaklaan, slapstick, kabaduyan,” ani Vice. “Pero patuloy pa rin itong pinapanood dahil ito ang sandali ng tawa at pahinga ng masa mula sa kanilang problema.”
Binanggit pa ni Vice na ang kanyang pelikula na “And the Breadwinner Is…” ang naging top-grossing film sa 2024 Metro Manila Film Festival, kung saan kumita ng P400 million sa kabila ng mga puna ng ilan na ito ay “cheap” at “walang katuturan.”
Ipinaliwanag niya na kahit mahal na ang sine, pinipili pa rin aniya ng mga Pilipino na manood ng kanyang pelikula para kahit paano ay makalimot sa lungkot at hirap ng buhay.
“Ang relasyon ko sa masa ay parang pamilya — may love-hate relationship, pero hindi kami nag-iiwanan. Nagkakaunawaan kami,” dagdag niya.