Kinumpirma ng Venezuela na nadetect nila na nagpalipad ang Amerika ng 5 combat aircraft malapit sa kanilang Caribbean coast.
Inilarawan naman ni Venezuelan Defense MInister Vladimir Padrino ang naturang insidente bilang probokasyon ng Estados Unidos na naglalagay sa kanilang pambansang seguridad sa panganib.
Base sa inisyung statement ng Venezuelan government, namataan ang US fighter jets sa distansiyang 75 kilometers mula sa kanilang coastline o baybayin, ilang milya ang layo mula sa standard territorial waters na karaniwang nasa 12 nautical mules mula sa baybayin.
Lumipad aniya ang US F-35 fighter jets ng may bilis na 400 knots at may taas na 35,000 feet. Nadetect ang mga ito ng air defense systems ng Venezuela sa may Maiquetia flight information region.
Ang pagkakadetect sa US fighter jets ay sa gitna ng mas umiigting pang tensiyon sa pagitan ng Amerika at Venezuela kasunod ng pagpapadala ng una ng ilang US warships sa Caribbean, na iginiit ng Amerika na isang misyon umano para labanan ang drug trafficking subalit naniniwala naman ang Venezuela na target nito na baguhin ang kasalukuyang rehimen.
Matatandaan, kamakailan lamang tinarget ng US strikes ang nasa apat na bangka na kumitil sa mahigit isang dosenang pinaghihinalaang drug traffickers, bagamat walang inilabas na konkretong ebidensiya ang Amerika na mga kriminal nga ang kanilang tinarget.