Pinasabog ng suicide bomber ang isang explosive vest habang ginaganap ang kasal sa northwest Pakistan na nagresulta sa pagkasawi ng pitong katao at ikinasugat ng 25 iba pa.
Nangyari ang suicide bombing sa bahay ng pro-government community leader na si Noor Alam Mehsud sa Dera Ismail Khan, isang distrito sa Khyber Pakhtunkhwa province.
Ayon sa local police chief na si Adnan Khan, dinala na ang mga nasawi at nasugatan sa pagamutan, kung saan may ilang nasa kritikal na kondisyon.
Base sa salaysay ng mga nakasaksi sa pangyayari at guests, nasa kasagsagan ng kasiyahan at sayawan ang mga ito nang pasabugin ang bomba.
Sa ngayon, walang grupo ang umaako sa likod ng pag-atake, subalit may suspetsang ito ay kagagawan ng Pakistani Taliban, na kilala din bilang Tehrik-e-Taliban Pakistan (TTP), na naglunsad na rin ng maraming mga pag-atake sa bansa sa mga nakalipas na taon.
Muling lumakas ang presensiya ng grupo matapos na bumalik sa kapangyarihan ang Afghan Taliban noong 2021, matapos iatras ng Amerika at North Atlantic Treaty Organization (NATO) ang kanilang mga tropa mula sa Afghanistan makalipas ang dalawang dekadang giyera.
















