Tahasang inakusahan ni Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na nagpapalapad ng papel sa mga kapwa nila kongresista.
Ginawa ni Cayetano ang naturang pahayag sa gitna ng usap-usapang coup d’etat sa House leadership, na nauna na niyang sinabi na may kaugnayan sa issue sa national budget at hindi pag-aksyon ng Kamara sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Sa ambush interview kay Cayetano sa Lungsod ng Taguig, sinabi nito na 20 kongresista ang lumapit sa kanya at isinumbong ang ipinapangako ni Velasco na budget allocation at committee chairmanships.
“Normal naman kapag nahuhuli, nagde-deny. But unless about 20 congressmen are lying to me na pinapangakuan ng chairmanship at sinasabi na next year is may budget, ako na magdidikta kung kanino ibibigay, et cetera, et cetera, and I don’t think naman mang-iintriga ang 20 congressmen,”
Nitong araw lang ay naglabas ng statement si Velasco, at binigyang diin na walang basehan ang sinasabing ouster plot laban kay Cayetano.
“The reports were meant to create deep division within the House of Representatives and its members, destroy camaraderie, distract lawmakers from fulfilling their mandate, and more importantly, derail the key legislative agenda of the Duterte Administration,” ani Velasco.
Pagdating sa liderato ng Kamara, binigyan diin ni Cayetano na tatalima siya sa anuman ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ang umano’y ouster plot laban sa kanya ay walang magandang maidudulot sa Kamara kundi pagkahati-hati lamang at hindi maayos na trabaho nila bilang institusyon.
“Huwag nating guguluhin ang present na pagtrabaho ng ating Kongreso kasi naaapektuhan yung trabaho e. But it’s verified na talagang may mga nag-attempt,” apela ni Cayetano.
Nanawagan ang kongresista sa mga kumikilos para patalsikin siya bilang lider ng Kamara na magkusa na lamang na umalis sa puwesto at bumalik na lang ulit sa oras na si Velasco na ang siyang Speaker.
“Habang ako ang Speaker, we do things by concensus, kung ano ang tama ‘yun ang gagawin natin. Huwag n’yong gagamitin ang budget, huwag niyong gamitin ang ABS-CBN issue, huwag n’yong gagamitin ang mga chairmanships kasi nadi-disrupt ang Kongreso,” saad pa nito.