Ipinupursige na ng pamahalaan ang paglikha ng katulad ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Amerika, bilang long term project sa paglaban sa mga lumalabas na sakit.
Ayon kay National Task Force (NTF) Against Covid-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr., sinisikap nilang pagsamahin ang kakayahan ng University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH), Analysis Center at Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM).
Ang ganitong hakbang umano ay bilang paghahanda sa mga posibleng iba pang sakit na lilitaw sa mundo.
Hindi pa naman masabi ni Galvez kung gaano katagal bago maging operational ang sinasabi nitong pasilidad.
Pero tiyak umanong mangyayari ito, dahil iyon ang direksyon ng nais ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sinisikap natin itong magawa. Ito talaga ang direksyon sa atin ng pangulo, para sa mga katulad ng sitwasyon ngayon na may pandemya,” wika ni Galvez.
Una nang naglaan ng reward ang chief executive para sa makagawa ng bakuna laban sa COVID-19, ngunit bigo ang mga local scientist dahil sa kakapusan ng magagamit na pasilidad para sa research at development.