-- Advertisements --

Inaunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nadaraanan na ang lahat ng uri ng sasakyan ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila ngayong Linggo matapos ang naitalang pagbaha.

Sa flood update ng MMDA iniulat na bumaba na ang baha sa mga bahagi ng Roxas Blvd. Service Road malapit sa UN Avenue at Roxas Blvd. Service Road mula Salas hanggang Pedro Gil.

Samantala, patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Severe Tropical Storm Crising na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility.

Huli itong namataan 730 kilometro kanluran ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hangin na 100 kph at pag-bugso na hanggang 125 kph.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at sundan ang mga opisyal na abiso lalo na sa mga mabababang lugar.