-- Advertisements --

Handang ipambili ni Senador Ping Lacson ng ticket ang kanyang isang buwang pensyon bilang retiradong four-star police general, sakaling matuloy ang bakbakan sa pagitan nina PNP Chief General Nicolas Torre at Davao City Vice Mayor Baste Duterte.

Ayon kay Lacson, bagama’t hindi ito ang pinakaakmang hakbang, personal na pagpapasya ito ni Torre—hindi bilang hepe ng pambansang pulisya, kundi bilang pribadong indibidwal na nakaramdam ng insulto at hamon sa harap ng publiko mula kay Vice Mayor Duterte.

Para sa senador, tama man o mali, nararapat lamang igalang ang personal na desisyon ni Torre.

Samantala, hindi tiyak ng senador kung manonood siya ng bakbakan.

Gayunman, kung siguradong mapupunta sa mga nasalanta ng baha ang kikitain mula sa laban, bibilhin niya ang ticket na katumbas ng isang buwang pensyon niya bilang retiradong four-star police general.

Dagdag pa ni Lacson, mukhang may pag-asa na matuloy ang laban dahil ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, isang CEO ng isang kilalang casino hotel at tanyag na pilantropo ang handang ipagamit ang kanilang ballroom para sa charity boxing match nina General Torre at Vice Mayor Baste Duterte.