-- Advertisements --

Mariing sinalungat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na pinupulitika ng ilang mambabatas ang pagsisikap ng gobyerno sa pagbili ng COVID-19 vaccine.

Reaksyon ito ng senador sa mga pahayag ni Galvez sa interview ng media, matapos ang hearing noong nakaraang araw.

Ayon kay Lacson, ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin, katulad din ng ibang opisyal ng pamahalaan na may mga ginagampanang trabaho.

“Let me assure Secretary Galvez, walang pulitika sa pagdinig na ito. Katulad din ng isinagawa natin pagdinig kamakailan lamang sa pang-aabusong ginawa sa pondo ng PhilHealth,” pahayag ni Lacson.

Sa nakaraan kasing pagdinig, inakusahan ni Galvez ang ilang senador nang tila pagbabanta sa mga vaccine developer ang mga imbestigasyon.

Tila din daw sinisira ng ilan ang negosasyon ng gobyerno sa mga vaccine manufacturer sa pagpupumilit na ilahad ang mga impormasyon.

Pero wika ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, obligasyon ng gobyerno na maging transparent, dahil pondo ng bayan ang ginagamit sa mga transaksyon.

Sa isang punto ng hearing, ipinarinig pa ang mismong statement ng vaccine czar sa isang media interview, kung saan sinasabi nito ang katagang “mali po ang impormasyon ng ating mahal na senador…”

Payo na lamang ni Senate President Tito Sotto, maging maingat si Galvez sa pagsasalita, lalo na kung ang inaatake nito ay mga mambabatas na kumukuha lang din naman ng data sa ibang mga ipinapatawag na resource persons.