-- Advertisements --

secretary galvez vaccination

Papayagan pa rin ng pamahalaan ang magpapatuloy sa pag-operate ang public transportation sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila dahil magpapatuloy pa rin ang vaccination program ng pamahalaan.

Ito ang kinumpirma ni National Task Force against COVID-19 spokesperson retired M/Gen. Restituto Padilla Jr.

Sinabi ni Padilla target kasi makapagbakuna ng 250,000 individuals bawat araw sa kabila ng pagpapatupad ng pinakamataas na quarantine classification sa Metro Manila mula Aug. 6 hanggang Aug. 20.

“Kahit na may ECQ ay patuloy na pabibilisin at iaangat ang bilang ng mga nababakunahan laban sa COVID-19,” ayon kay Padilla.

Binigyang-diin ng opisyal nasa 20 million hanggang 25 million doses ang dapat habulin para maging steady ang pagbabakuna para sa mataas na bilang.

Ayon sa mga eksperto, 60% mas nakakahawa ang Delta variant, kaya kung nabakunahan man o hindi laban sa COVID-19, mahalaga na mag-ingat pa rin dahil maaari pa ring mahawa o makawa ng COVID-19.

Sinabi ni Padilla, na hindi na hihigpitan nang lubos sa transportation sector para may masakyan ang mga kababayan natin na magsipuntahan sa mga iba’t ibang vaccination centers.

Paalala ni Padilla, kailangan mag-issue ang mga kumpanya o employer ng company I.D. or certificate ng kanilang empleyado para sila ay mapadaan sa mga border control o quarantine control points.

Kinumpirma din nito na ngayong buwan ng Agosto, nasa 16.5 million doses ng COVID-19 vaccine ang nakatakdang dumating.

Sa kabilang dako, sinabi ni Padilla kahit nasa ECQ ang Metro Manila hindi isasara ang mga supermarkets at grocery.