-- Advertisements --

Pamumunuan na ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Senate President Vicente Sotto III na papalitan ni Lacson si Senador Rodante Marcoleta bilang chairman ng komite.

Paliwanag ni Sotto, hindi kasapi ng majority bloc si Marcoleta at ang Blue Ribbon Committee ay nakalaan lamang para sa mayorya.

Wala sa umiiral na mga patakaran, maging sa Blue Ribbon Committee Charter o sa pangkalahatang Senate Rules, ang nagsasaad na kailangang maging abogado ang uupo bilang chairman ng Blue Ribbon Committee. 

Ayon kay Sotto, sapat na miyembro lamang ng mayorya ang kinakailangang kwalipikasyon upang pamunuan ang nasabing makapangyarihang komite.

Inihalimbawa pa ni Sotto na noong 9th Congress, inihalal nila si Senador Sonny Alvarez bilang chairman ng Blue Ribbon Committee kahit hindi ito abogado. 

Dagdag pa ng Senate President, hindi garantiya ang pagiging abogado upang maging mahusay na imbestigador. Mas mahusay aniya si Lacson pagdating sa imbestigasyon. 

Samantala, ayon pa kay Sotto, mananatili si Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Committee on Finance na siyang mangunguna sa pagbusisi ng panukalang pambansang pondo para sa 2026.