-- Advertisements --

Hinimok ng isang kongresista ang pamahalaan na gamitin ang UV Express vans sa paghatid at pagsundo ng mga health care workers sa East Avenue Medical Center, National Kidney Transplant Institute (NKTI) at Philippine Children Medical Center (PCMC).

Ayon kay Ang Probinsyano Party-list Rep. Ronnie Ong, sa ganitong paraan ay matutulungan din ang mga driver ng UV Express na apektado ang hanapbuhay dahil sa pagkakasuspinde ng lahat ng public transport bunsod ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bahagi ng COVID-19 response ng pamahalaan.

We decided to tap on UV express vans to augment the needed transport support for health workers. This is also a way to help drivers who have no current source of income due to the enhanced community quarantine,” ani Ong.

May nakausap na aniya siyang mga driver na handang tumulong sa inisyatibang ito.

Nagpahayag na rin aniya ng kanilang suporta rito sina Transportation Undersecretary Mark De Leon, Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, Interior Usec. Marjorie Jalosjos, Joel Bolano ng Land Transportation Office, NKTI Exec. Dir. Rose Liquete, “PCMC” Exec. Dir. Julius Lecciones, at East Ave Medical Center Exec. Dir. Alfonso Nunez.

Para naman matiyak ang kaligtasan ng mga driver laban sa COVID-19, bibigyan niya ang mga ito ng full personal protective equipment, alcohol at vitamins, at idi-disinfect din ang kanilang sasakyan kada biyahe.

Samantala, hinihimok pa ng kongresista ang Department of Transportation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Department of Labor and Employment na gamitin ang inisyatibang ito bilang template sa pagresolba sa transportation gap na kinakaharap ngayon ng mga frontliners at iba pang manggagawang apektado ng ECQ.