Umani ng batikos ang China sa pagtatangka nitong pigilan ang screening ng dokumentaryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa isang film festival sa New Zealand.
Nauna na kasing kinumpirma ng Chinese Consulate General sa Auckland sa isang statement na ibinahagi ng Doc Edge, na hiniling nito kahapon, July 4 sa festival organizers na kanselahin ang mga pagpapalabas sa hinaharap sa Filipino documentary na “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea”.
Base sa email mula sa Chinese Consulate, nakasaad na puno umano ang dokumentaryo ng disinformation at false propaganda na nagsisilbing political tool ng Pilipinas para isulong ang hindi umano lehitimong claims nito sa pinagtatalunang karagatan.
Labis din aniyang inililihis ng screening ng naturang dokumentaryo ang publiko at nagbibigay ng maling mensahe sa internasyonal.
Subalit, sinabi ni Doc Edge general manager Rachel Penman na tinanggihan nila ang request ng Chinese Consulate at kusa silang tumitindig sa lahat ng filmmakers.
Nauna na nagwagi ang naturang dokumentaryo sa direksiyon ni Baby Ruth Villarama ng Tides of Change Award sa ilalim ng Best Festival Category sa Doc Edge film festival 2025 sa New Zeland na itinuturing na isang mahalagang panalo para sa bansa.
Sa naturang dokumentaryo, ipinamalas dito ang maritime conflict sa pagitan ng Pilipinas at China na pinalabas sa world premiere noong nakalipas na June 30 sa Auckland bilang parte ng naturang festival.
Sa isang statement naman, mariing tumindig ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga nasa likod ng award-winning documentary sa pagdepensa sa katotohanan at soberaniya ng bansa.
Nagpahayag din ng suporta ang AFP sa mga pagsisikap na mailahad ang mga reyalidad na kinakaharap ng mga mangingisdang Pilipino at maritime defenders sa West Philippine Sea.